Not Another Mushy Love Story – Ragnarok – 11

“Ayokong pumasok.”

Yan ang una kong naisip pag dilat ng mata ko kinabukasan. Boring. Pero ngayon lang ako nakadama ng ganito. Hindi naman ako tinatamad sa pag pasok mula noon. Kung tutuusin nga ay dapat ganahan akong pumasok dahil nandiyan si Camille. Pero hindi ko alam kung ba’t ako tinatamad.

Noon pag gising ko, ang laging unang pumapasok sa isip ko ay “Yes! Makikita ko nanaman si Camille! Ano kaya ang kulay ng ipit niya ngayon?” Pero sa pagkakataong to ay parang wala nang kasabik sabik. Wala nang kaabang abang. Bakit?

Wala akong nagawa. Pumasok na ako.

“Jon. Pwede sabay tayong mag recess at lunch mamaya? Please?!”

Aba, ang “Macho” ko naman. Akalain mong isa pa sa pinakamagandang babae sa batch namin ang nag aya sakin na sabay daw kameng kumain? Ano na lang ang iisipin ng mga taong umaapi sakin dati? Nerd daw ako? Geek daw ako? LOSER daw ako? Tang’na nilang lahat. Mamatay kayo sa inggit ngayon. Pero bukod dun, hindi ba’t dapat lang na mas maligaya ako dahil ang babaeng matagal ko nang ginusto ng palihim ay siya nang lumalapit sakin at nagpapakita ng apeksyon?

Pero hindi.

Sa hindi ko malaman na kadahilanan…

Hindi ako masaya.

Para bang sa isang iglap ay nawala ang nararamdaman ko sa kanya. Oo gusto kong madalas kameng magkasama. Masarap ung pinagtitinginan ka ng tao at bakas sa mukha nila ang inggit sayo. Masarap din yung tatanungin ka ng mga kapwa mo lalaki na dati ay nilalapitan ka lang pag magpapaturo sa mga bagay na may kinalaman sa cosines at tangents, ngayon ay nagpapaturo nang manligaw. Pakiramdam ko ang galing galing ko na sa isang bagay na hindi ko naman inaral at pinagbuhusan ng pagod. Mas masarap ang “parangal” na natatanggap ko sa gantong paraan kaysa sa parangal na naibibigay ng mga medalyang sumisimbulo ng pagka lulong ko sa pagaaral.

Pero hindi ako masaya.



Kakaiba itong babaeng ito sa babaeng nakilala ko noon. Ang tahimik naging maharot at masayahin. Ang dating mahinhin, ngayon ay madaldal. Ang dating madilim niyang pagkatao ay napalitan ng nagsisilakbong kulay na sumasabog sa iba’t ibang direksyon.

Ngayon hindi ko na alam kung anu ang nararamdaman ko. May mga bagay na nagpipilit sakin na lumapit pa sa kanya pero may mga bagay din na nagtutulak sakin na lumayo sa kanya. Hindi puro ang intensyon ko. Hindi to tama. Hindi to maganda. At nasisigurado kong hindi maganda ang kalalabasan nito pag hindi ko ginawan ng paraan.

Naramdaman ko na dati ito… Bata pa lang ako. Nakakita ako ng laruan sa patalastas. Ipinakita doon na kaya nitong magsalita, tumakbo, lumipad, magpalit anyo, humukay ng lupa, sumisid sa ilalim ng dagat at higit sa lahat… Ipagtanggol ang mundo mula sa lahat ng kasamaan. Naisip ko… “Pag meron na ako nitong laruan na ito, hindi na nila ako aawayin dahil ipagtatanggol ako nito.”

Hindi ang tagal nakuha ko ang laruan. Pero bakit ganto? Hindi siya sinlaki ng pinapakita sa telebisyon. Hindi siya nakakalipad, hindi siya nakakapag hukay ng lupa, hindi siya nakakapag palit anyo, hindi siya nakakasisid dahil sinubukan kong ilaglag sa pool. Nahiga lang ito sa ilim. Hindi rin nito kayang ipag tanggol ang mundo sa lahat ng kasamaan. Pero… may isang bagay na totoo dito sa laruan na ito. Naipagtanggol ako nito sa mga kalaro kong umaaway sakin. Bakit? Ako lang ang may cool na laruan non, dapat kaibiganin nila ako para mapaheram ko sila. Nakuha ko ang isa sa mga ninanais kong epekto ng pagkakaroon ng laruan na yon pero hindi sa paraang inaasahan ko.



“Oh jon, san tau mag lunch?”

“Ikaw, san mo gusto?”

“Dun tayo sa may puno ng Chesa may lamesa sa banda dun diba?”

“O sige sige, bile muna tau sa canteen”
“Wag na, pinagbaon ko tayong dalawa”

“Ha?”

“Nagbaon ako para satin. Ako pa mismo nag luto nyan ha!”

“Naks naman. Marunong ka palang mag luto”

“Siyempre naman no! Tara na!”


Habang kumakain… Kwento siya ng kwento. Sumasagot na lang ako paminsan minsan para hindi naman niya mapansin na masyado na akong nauumay sa pagsasalita niya. Ganto ba talaga? Pwede bang tumahimik muna tayong dalawa habang kumakain? Dahil sa patuloy niyang pagkukwento ay marami akong bagay na nalaman sa kanya na hindi ko akalaing ganun pala.

Nalaman kong mahilig siya sa maanghang.
Nalaman kong mahilig siya sa PBB.
Nalaman kong mahilig siya sa horror.
Nalaman kong mahilig siya sa Naruto.
Nalaman kong hanggang ngayon ay naglalaro pa rin siya ng barbie.
Nalaman kong crush niya si Harry Potter.
Nalaman kong matakaw pala siya.
Nalaman kong fan siya ng Backstreet Boys hanggang ngayon.
Pero higit sa lahat…

Nalaman kong marami pa pala akong bagay na hindi alam sa kanya.

Sino ba talaga siya?

Mukhang may mali. Pero hindi ko alam kung ano at hindi ko rin alam kung pano malalaman…


Uwian…

“Jon? Gusto mo punta ka samin, dun natin gawin ung assignment sa Chem?”

“Wala naman tayong assignment sa Chem ah.”

“Ay! Sa Geom pala. Pwede? Nalilito kasi ako eh..”


Alam kong hindi assignment ang pakay nito. Mas magaling pa sakin sa lahat ng subject to eh. Magiging sagabal lang ako pag sinamahan ko pa to. Ayoko ding pumunta sa kanila… Base sa kwento ng “ate” niya, hindi ito bukas sa mga bisitang lalaki. At sigurado ako… kukwentuhan nanaman ako nito ng mga bagay na walaaaaaaaaaaang kinalaman sa dapat talaga naming ginagawa. Pag nakita nitong bored ako e baka mainis lang sakin to. Mas mabuting tumanggi na lang muna ako.

“Sorry… Pwedeng next time na lang? Masama kasi pakiramdam ko eh. Kaya di rin ako masyadong nagsasalita kanina. Nextime babawi ako. Promise.”

“Ah… ganun ba. O sige, samahan na lang kita sa sakayan ng jeep. Baka kung mapano ka pa.”

Hinawakan niya ang kamay ko nang mahigpit at sabay kameng bumaba sa hagdan papalabas ng school.


Nandito na kame sa sakayan ng jeep. Nakahawak pa sin siya sa kamay ko at talagang ayaw nilang bitawan.

“Oh, heto na jeep, sakay na ako ah.”

“Sige jon, pagaling ka ha. Pag may nangyari sayo e malulungkot ako. Hahaha!”

“Naks naman..”

“Sige, bye”

Nag paalam na siya pero ayaw niya pa ring bitawan ang kamay ko. Lalo itong humigpit. Ilang sandali lang ay…

*kiss*

Humalik siya sa kaliwang pisngi ko sabay takbo papalayo sa direksyon ko.

“May kilig pa rin pala. Kala ko wala na”

Leave a Reply

Close Menu